Oo, palengke. Gustung-gusto ko kasing nagpupunta doon. Lalo na pag gabi kasi gusto kong obserbahan ang mga tao doon. Nalilibang akong panoorin sila. Ang makukulay na mga payong, ang mga dilaw na ilaw, ang mga kargador, ang mga traysikel drivers na naghahanap ng pasahero, at ang mga mamimiling tumatawad.
Maraming mga babae na kasing edad ko o mas matanda o bata pa ay ayaw nagpupunta sa palengke. Kasi, may mga palengkeng maputik, mabaho at may makikita kang mga ipis na nagapang sa lamesa para sa baboy. Pero para saakin, para na rin itong pasyal sa mall.
Hindi ako nadidiri sa dumi ng palengke. Nabibilib ako sa mga tao doon. Araw at gabing nagtitinda, nagtitiis. Doon pa nga natutulog. Para lamang may maiuwi silang kita at may maihaing pagkain sa lamesa o kaya'y matustusan ang pag-aaral ng mga anak. Ang mga kargador na nagtitiis sa bigat ng mga dala-dala nila upang kumita kahit na kakarampot.
Saludo ako sa mga tao sa palengke. Pilit nilalabanan ang hirap ng buhay. Nagsisikap para guminhawa. Pagpalain pa sana sila ng Diyos.
Labels: buhay